top of page

ANG DUYAN NG MAGITING

Ang Duyan Ng Magiting (Cinemalaya 2023) Directed by: Dustin Celestino


Handa ka bang mamatay para sa Bayan? Gaano ka ba katapang?


Matapang ang pelikulang ito pagdating sa mga salita, ngunit duwag pagdating sa gawa. Hindi nangangahulugan na ito ay masama. Minsan, mas malakas pa epekto ng sigaw kaysa sa galaw.


Naging isang mahabang debate ang pelikula. Dalawang magkaibang pananaw ang parating naglalabanan. Umabot ng ilang rounds ang balagtasan. Hindi mo alam kung sino na ang nangunguna. Parehas ay may puntos.


Sa huli, walang natalo at walang nanalo. Tabla tabla lang. Dahil dun, wala ring mensahe ang nangingibabaw.


Pang-teatro ang atake sa mga eksena. Minsan, nakakatulong ito para mas maihatid ang gusto nilang sabihin. Napagha-halo nila ang dalawang magkasalungat na karanasan.


Madalas, nagbibigay ito ng ilusyon na nasa entablado sila. Alam mo kung saan sila pupunta. Alam mo kung kailan sila hihinto at magsasalitang muli. Naka-kahon sila sa isang espasyo.


Ngunit dahil sa galing ng mga artista, nagagawan nila ng paraan na umalis mula sa teatro at pumunta sa pelikula at sa totoong buhay.


Nilalagyan nila ng nararapat na emosyon ang bawat linya. Matindi ang mga pasimpleng banat ni Dolly de Leon. Maiinis ka sa galing ni Paolo O’Hara. Nakakabaliw ang husay ni Frances Makil-Ignacio.


Mapapa-palakpak ka sa presensya ni Agot Isidro. Ramdam mo ang galit at pagka-dismaya niya sa nangyayari. Ang eksena niya ang pinaka-nakakadala dahil nasabi niya ang mahahalagang puntos. Naitanong niya ang mga importanteng mga tanong.


Mga tanong na hindi nasagot nang tuluyan. Mga hakbang nila na hindi nakakatawid sa kabilang bakod. Mga ideolohiya na nakakahon sa sarili nitong espasyo. Sa dami ng kanilang nasabi at minsan ay paulit-ulit pa… kinain na lang din nila ito sa huli.


Imbes na magbigay ng kagitingan, katahimikan ang dulot sa ating Duyan.


ANG DUYAN NG MAGITING

⭐️⭐️ Cast: Agot Isidro, Frances Makil-Ignacio, Jojit Lorenzo, Joel Saracho, Miggy Jimenez, Dylan Ray Talon, Bituin Escalante, Paolo O’Hara Presented by: Cinemalaya 2023 Date Released: August 5, 2023 at the PICC A Movie Review by: Goldwin Reviews

0 comments

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
bottom of page