top of page

SA KAMAY NG DIYOS

Sa Kamay Ng Diyos (2023) Directed by: Zaldy Munda


Totoong istorya raw ito ni Pastor Jonard Pamor na ginampanan ni Aljur Abrenica.


Hindi sila magkamukha. May eksena kung saan nagkaroon ng fade effect mula sa mukha ni Aljur Abrenica papunta sa mukha ni Jonard Pamor. Kitang-kita mo ang milagrong nangyari.


Ang milagro ay nagmukhang kalokohan. Hindi siya tinatamaan ng bala. Hindi siya nababasa. Nangyayari na lang ang mga bagay-bagay kung kailan nila gusto.


Napaka-moody ng palabas na’to.


Nasa ambulansya si Aljur Abrenica, tapos ang susunod na eksena ay nag-swi-swimming na siya. Security guard ngayon, tapos kinabukasan ay Taxi Driver na kahit hindi siya marunong mag-drive. Trip-trip lang niya kumbaga. May lalabas na “15 years later” at hindi mo alam kung anong nangyari dun. Wala silang sinusundan na istorya. Walang koneksyon ang mga eksena.


Biglang tataba ang karakter, pero na-stretch lang pala ang aspect ratio. Umaalog ang kamera, pero kunwari walang nakakita kasi tuloy-tuloy lang sila. Sobrang tagal umakyat ng credits portion.


Hihina-lalakas ang audio nang walang dahilan. Hindi tugma ang dubbing. Halatang hindi nila boses ang ginamit. Pati boses ni Meg Imperial ay hindi naman kanya. Sa sobrang galing umiyak ni Elizabeth Oropesa, naging nakakatawa na siya.


For what it’s worth, masayang tingnan ang visual effects nila sa malaking screen kung saan naghahalo ang kumikinang na isda, wind at water sa paligid ni Aljur Abrenica. Yun ang highlight ng pelikula dahil umabot na sa nuknukan ang kanilang kalokohan.


May kakayahan siyang gumawa ng ipo-ipo. Sinampal niya yung babaeng sigaw nang sigaw. Sinuntok niya si Rez Cortez. Batugan siya. Namamahay siya ng mga babae. May kapangyarihan siya. Makapangyarihan siya. Hindi natin alam kung yun ang istorya na gustong ipamahagi ni Pastor Jonard Pamor, ngunit yun ang naiparating nila.


Ito ang life story kung saan pagkatapos mong mapanuod ay mas lalo kang maguguluhan sa kwento ng kanyang buhay. Nang umulan ng katinuan mula sa langit, wala silang nasalo. Pati Diyos ay hindi kayang iligtas ang pelikulang ito.


SA KAMAY NG DIYOS

Rating: -∞/5


Cast: Aljur Abrenica, Meg Imperial, Rhene Imperial, Althea Arellano, Ali Forbes, Rez Cortez, William Martinez, Elizabeth Oropesa Presented by: JPM Film Production Date Released: August 2, 2023 in Philippine cinemas nationwide A Movie Review by: Goldwin Reviews

2 comments

2 Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
Guest
Oct 23, 2024
Rated 5 out of 5 stars.

hahaha hanep sa review. i can really expect yung mangyayari kahit di ko pa napapanood.

Like

Guest
Dec 02, 2023
Rated 1 out of 5 stars.

Sa kamay palang talaga, alam mo na

Like
bottom of page