Salum / Delve (2025)
Written & Directed by: TM Malones

Nakaligo ka na ba sa dagat ng kahirapan?
Hindi nila kailangang ipamukha na mahirap sila,
ngunit damang dama mo ang kanilang paghihirap.
Wala masyadong iyakan at sampalan,
ngunit sasampalan ka ng realidad.
Malakas ang kapit mo sa mga karakter. Nakakadala ang kwento ng mag-ama. Magaan ang loob mo sa kanila dahil alam mong mabubuti silang tao at sila’y nagsusumikap sa buhay. Mabigat sa pakiramdam kapag nakikitang sila’y nahihirapan.
Kahit may sarili silang bangka, sumasabay lang sila sa agos ng buhay. Malawak ang karagatan, ngunit limitado ang kanilang nalalaman.
Babad ang shots sa simula. Puro paglalangoy muna ang inaatupag. Minsan, ang katauhan ay hindi masyadong nakikita. Hindi sapat ang dagat para ikwento ang kanilang sitwasyon. Kung kaya’t sa tuwing nagbabahagi sila ng karanasan at impormasyon, unti-unting lumalim ang koneksyon mo sa kanila.
Nasisid nang maigi ni Allen Dizon ang kaibuturan ng kanyang karakter. Alam niya ang kahinaan at ang lakas nito. Nagamit niya ito upang ibahagi nang buong buo ang buhay ng isang tatay. Damang dama mo kung paano siya magmahal.
Hindi mo lubos maisip kung hindi si Christine Mary Demaisip ang gumanap na anak sa pelikulang ito. Mahusay at kapani-paniwala ang kanyang pag-arte.
Makatotohanan ang mga eksena. Nauunawaan mo kung saan sila nanggagaling. Mula eskwelahan papuntang dagat, maayos nilang natatawid ang mga eksena. Naipakita ang klase ng kanilang pamumuhay. Parehas na simple at komplikado.
Nanunusok ang mga linya. Nangingising ng damdamin. Sumasalim sa totoong buhay.
Higit pa sa mga salita, mas nagdudulot ng ingay ang kanilang mga aksyon at desisyon. Hindi mo alam ang susunod nilang gagawin, ngunit umaasa kang ito’y makakabuti sa sitwasyong kanilang kinakasangkutan.
Higit pa sa lamang-dagat, ang pinakamahalagang nasungkit ng pelikulang ito ay ang ating mga puso. Hindi nila tayo hahayaang malunod sa ilalim ng karagatan papunta sa kadiliman.
Maligo man sa dagat ng kahirapan.
Magbabanlaw sa taglay na kabutihan.
Hindi tayo malulunod. Lalangoy tayo.
Makakaahon tayo.
𝗦𝗔𝗟𝗨𝗠
Rating: 4/5
Cast: Allen Dizon, Christine Mary Demaisip, Nathan Sotto, Kyle Fermindoza
Release Date: March 14-25, 2025 at Gateway for Puregold CinePanalo 2025
A Movie Review by: Goldwin Reviews
Kommentare