Silip (Vivamax 2024)
Directed by: Bobby Bonifacio Jr.
Si Joel ay waiter sa paresan. Nung nagalit siya sa customer, pagkain na galing sa basura ang sinerve niya rito. Na-ospital tuloy ang customer. Dapat bang tuluran si Joel?
Kapag matinding emosyon ang bumabalot sa atin, nakakagawa tayo ng mga bagay na hindi tama at hindi makatwiran. Kapag desperado tayong makuha ang isang bagay, nagiging bulag tayo sa mas marami pang ibang mga bagay. Ganyan ang kwento ni Joel, pero hindi maganda kung paano ito naipasilip sa atin.
Hindi naipakita nang maayos ang kanyang naging paglalakbay sa buhay. Hindi mo alam kung bakit patay na patay siya sa iisang babae. Ambilis niyang maka-ipon kahit hirap siya sa pera. Wala siyang accountability sa kanyang mga desisyon. Hindi rin ramdam na nagsisisi siya sa kanyang pagkakamali.
Moody yung script. Minsan, ang lakas ng loob nitong mag-call-out. Tapos minsan, naduduwag din silang panindigan ang kanyang sinasabi. Sa huli, nawalan na ng boses ang pelikula.
Hindi napag-uusapan ang tunay na mga problema. Kapag may tensyon na nangyayari, nawawala ang bigat nito dahil napupunta sa lampungan ang mga usapan. Mahina silang bumuo ng mga argumento.
Maalog minsan ang kamera at hindi magandang tingnan ang mga shots. May mga parts na kunwari ay nakasilip lang ang karakter or imagination lang niya ang lahat, pero hindi ito na-tra-translate nang maganda sa kanilang visuals.
Keri lang ang aktingan nina Rica Gonzales at Karl Aquino sa palabas na ito. Masyadong kalkulado ang kilos at boses ni Lea Bernabe. Iisa lang ang kanyang tono kapag siya ay masaya o malungkot. Kailangan pa niyang mag-relax sa mga eksena para mag-mukhang natural ang kanyang ginagawa.
Sa kabuuan, hindi sapat ang lahat ng kanilang mga ipina-silip para tumayo ang pelikulang ito. Kailangan magdagdag pa ng ibang anggulo ng pagsisilipan upang maging buo at pulido ang kwento.
𝗦𝗜𝗟𝗜𝗣
Rating: 0/5
Cast: Karl Aquino, Lea Bernabe, Rica Gonzales, AJ Oteyza
Screenplay by: Quinn Carillo
Presented by: 3:16 Media Network
Release Date: December 3, 2024 on Vivamax (VMX)
A Movie Review by: Goldwin Reviews
Storytelling: 0.5
Emotions: 1.5
Screenplay: 0
Technical: 0
Message: 0
AVERAGE SCORE: 0.4
Kommentit